Transport group, maglulunsad ng transport holiday
Nakatakdang maglunsad ng transport holiday ang Alliance of Concerned Transport Organization o ACTO, Lunes, December 7, upang iprotesta ang polisiya ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na layong i-phase out na ang mga pampasaherong jeepney na nasa 15 taon na ang edad.
Sa naturang polisiya ng LTFRB, simula January 16, 2016 hindi na pahihintulutan ang mga jeepney operators na mag-renew ng prangkisa kung ang kanilang mga jeep ay nasa 15 taon na o higit pa.
Ayon kay ACTO president Efren De Luna, bagamat hindi nila kinokontra ang naturang polisiya, dapat linawin muna aniya ng LTFRB ang ‘criteria’ bago tuluyang ipatupad ang pag-phase out ng mga jeep.
Paliwanag ni De Luna, maraming mga jeep na bumibiyahe sa mga lansangan ay nasa 15 taon na o higit pa ngunit nasa maayos pang kondisyon.
Bago ipatupad aniya ang phase-out policy, dapat magkaroon muna ng dayalogo sa pagitan ng mga operators at ng ahensya upang malinawan ito.
Bukod dito, ipinanawagan na rin ng ACTO ang pagbibitiw sa pwesto ni Chairman Winston Ginez ng LTFRB at ni Land Transportaion Office Assistant Secretary Alfonso Tan Jr., dahil sa mga polisiyang ipinatutupad ng mga ito na kontra-mahirap.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.