Mahigit 4,000 nahuli ng MMDA dahil sa pagkakalat
Sa unang tatlong buwan ng taon, umabot sa 4,316 ang hinuli ng MMDA dahil sa pagkakalat o pagtatapon ng basura kung saan-saan.
Sa ulat ng MMDA –Health, Public Safety and Environmental Police Office, 962 ang nahuli noong buwan ng Enero, tumaas ito sa 1,053 nang sumunod na buwan at muli itong tumaas sa higit 100 porsyento sa bilang na 2,298.
Nabatid na sa kabuuang bilang, 1,487 ang nagbayad ng multa at 32 ang nagbigay na lang ng walong oras na community service.
Marami sa mga nahuli ay natiyempuhan na nagkakalat sa Monumento sa Caloocan City, Cubao at North EDSA sa Quezon City, Ortigas District sa Pasig City, EDSA-Taft sa Pasay City, Guadalupe at Buendia sa Makati City.
Sinabi ni MMDA Chairman Danny Lim na karamihan sa mga itinapon ay balat ng candy, sigarilyo, papel at plastics.
Binalaan din nito ang publiko na paiigtingin pa nila ang Anti-Littering Law para pangalagaan ang kalinisan at kalusugan ng mamamayan ng Kalakhang Maynila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.