Robredo: Mga nasa likod ng video laban sa pamilya Duterte dapat lumantad
Hinikayat ni Vice President Leni Robredo ang mga nasa likod ng magkakasunod na video na nag-uugnay sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte na lumantad.
Sa panayam kay Robredo mula sa Gainza, Camarines Sur, kanyang sinabi na mas makabubuti kung idaan sa tamang proseso ang lahat kabilang dito ang pagsasampa ng kaso para maidaan sa masusing imbestigasyon ang mga alegasyon.
Nauna dito ay lumabas ang video na may titulong “Ang Totoong Narcolist” kung saan ay iniuugnay si presidential son Paolo Duterte sa illegal drug trade.
Sinundan ito ng isa pang video na nagsasabing nilulustay umano ng partner ng pangulo na si Honeylet Avenceña at kanilang anak na si Veronica ang dirty money sa Hong Kong.
“Mahirap kasi itong narcolist nakalista, o video, o nilalagay sa social media, kasi wala tayong basehan kung ito ba ay totoo o hindi,” ayon pa kay Robrero.
Magugunitang mariing itinanggi ni Paolo Duterte ang paratang sabay ang pahayag na si Sen. Antonio Trillanes ang nasa likod ng nasabing akusasyon.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Duterte na bukas ang kanilang pamilya sa anumang uri ng imbestigasyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.