Nasa kamay na ng Office of the Solicitor General ang police report ng Philippine National Police (PNP)kaugnay sa Oplan Tokhang.
Pahayag ito ng PNP matapos katigan ng Korte Suprema ang hirit ng Free Legal Assistance Group o flag at Center for International Law na bigyan sila ng kopya ng police report sa Tokhang.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Philippine National Police spokesman Colonel Bernard Banac na sa ngayon, hinihintay na lamang ng kanilang hanay kung ano ang susunod na kautusan ng Solicitor General.
Sinabi pa ni Banac, dokumentado ang lahat ng operasyon sa Tokhang.
Wala aniyang epekto sa operasyon ng Oplan Tokhang ang kautusan ng Korte Suprema.
Patuloy aniyang paiiralin ng PNP ang rule of law.
Gayunman, aminado si Banac na may mga pagkakataon na inabuso ng mga pulis ang Tokhang.
Patuloy aniya ang cleansing operation ng PNP sa kanilang hanay.
Katunayan, mahigit sa 8,400 na pulis na ang nabigyan ng disciplinary sanctions dahil sa ibat ibang administratibo at criminal offenses, 2,500 na pulis ang nadismiss, 4,500 na pulis ang nasuspende dahil sa paglabag sa rules and regulations at 400 na ang nasibak sa serbisyo dahil sa pagkakasangkot sa illegal na droga.
Aminado si Banac na nakahihiya ang ilang mga pulis.
Pagtitiyak ni Banac sa mga bumabatikos sa Oplan Tokhang, patuloy na gagampanan ng PNP ang kanilang tungkulin na labanan ang problema sa illegal na droga.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.