Operasyon sa Negros Oriental na ikinasawi ng 14 na katao, lehitimo ayon sa PNP
Nanindigan ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na lehitimo ang operasyon ng pulisya sa Negros Oriental na ikinasawi ng 14 na hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Ito ay makaraang umani ng batikos ang pagkasawi ng 14 na ayon sa iba’t ibang mga grupo ay pawang mga magsasaka.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni PNP Spokesperson, P/Col. Bernard Banac na ginawa lamang ng mga otoridad ang kanilang tungkulin nang isilbi ang search warrant laban sa mga suspek subalit sa halip na sumuko ng maayos ay nanlaban ang mga ito.
Katunayan, mayroon aniyang 12 nadakip dahil sa payapang pagsuko sa mga pulis.
Ani Banac, mga magsasaka man o hindi, nakasaad sa search warrant na ang mga nasawi at naaresto ay pawang suspek sa iba’t ibang krimen.
Nakasaad din sa search warrant na ang mga target ay mayroong mga itinatagong armas, mga bala at pampasabog.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.