Permanenteng pagsasara ng bahagi ng Magallanes Interchange, simula na ngayong araw
Inumpisahan na ngayong umaga, Lunes, April 1 ang permanenteng pagsasara sa bahagi ng Magallanes Interchange.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) epektibo ang closure sa left turning ramp ng Magallanes Interchange northbound alas 6:00 ng umaga.
Layunin nitong matugunan ang problema sa traffic sa lugar at ang madalas na naitatalang aksidente.
Sa datos kasi ng Traffic Engineering Center ng MMDA umaabot sa 7,722 na sasakyan ang dumadaan sa interchange galing Maynila patungong EDSA Northbound habang nasa 19,304 naman ang galing EDSA at patungo ng Nichols.
Ang mga nasabing sasakyan ay nagsasalu-salubong pagdating sa interchange na nagdudulot ng traffic at aksidente.
Ang mga motoristang maaapektuhan ng pagsasara ay pinapayuhang sa Magallanes Loop/Magallanes Village o Nichols interchange na lamang dumaan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.