Pro-Duterte blogger, itinangging pakana niya ang tinanggal na pekeng FB accounts
Itinanggi ng sinasabing social media manager ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 elections na nag-organisa siya ng network ng nasa 200 pages na tinanggal ng Facebook dahil sa umanoy “misleading behavior.”
Ang pagtanggi ni Nic Gabunada ay matapos alisin ng FB ang daang daang pages at accounts dahil sa pagpapakalat umano ng mga pekeng impormasyon.
Ayon kay Gabunada, dati siyang miyembro ng mga grupo na tinanggal ng Facebook dahil parte siya ng election campaign ni Duterte tatlong taon na ang nakalipas.
Pero giit nito, hindi siya bumuo ng network at hindi siya nanloko ng publiko.
Itinanggi rin ni Gabunada na nagkalat siya ng disinformation at fake news.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na walang kinalaman ang pangulo sa tinanggal na mga accounts.
Una nang sinabi ng FB na ang tinanggal na mga pages at accounts ay dahil lumabas na ang mga ito ay nagpakita ng “cluster of coordinated behavior” gaya ng gawi ng tinatawag na mga troll.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.