Nakumpiskang 1.3 bilyong pisong halaga ng shabu palusot lang; mas malaking shipment ng ilegal na droga asahan na sa susunod na mga araw ayon kay Pangulong Duterte
Asahan na mayroong pang makukumpiska ang mga awtoridad na bilyong pisong halaga ng shabu sa mga susunod na araw.
Sa talumpati kagabi ng pangulo sa campaign rally ng PDP-Laban sa Cagayan de Oro City, sinabi nito na palusot lamang ng mga drug syndicates ang magkahiwalay na nakumpiskang shabu na nagkakahalagang one billion pesos at one point three three billion pesos sa Manila International Container Port (MICP) para malihos ang atensyon ng mga awtoridad.
Kaya utos ng pangulo sa mga awtoridad, maging alerto at magbantay dahil may papasok pang malaking shipment ng ilegal na droga sa mga susunod na araw.
Paliwanag ng pangulo, kaya madaling naipupuslit ang ilegal na droga sa bansa dahil mahabang shoreline kung saan mahigit pitong libong isla mayroon ang Pilipinas.
Nangangamba ang pangulo na matulad ang Pilipinas sa Mexico na cartel na ang may kontrol sa gobyerno.
Nakapasok na rin aniya sa bansa ang drug syndicate na Sinaloa kung kaya maraming cocaine na ang nakukumpiska na palutang-lutang sa dagat.
Kaya babala ng pangulo sa mga drug syndicate, huwag nang magtangkang pumasok sa ilegal na gawain dahil tiyak na papatayin niya ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.