Pangulong Aquino, umapela ng tulong na kontrahin ang climate change

By Kathleen Betina Aenlle December 01, 2015 - 04:37 AM

 

Malacañang photo

Nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III sa mga bansang may kaya na tulungan ang mga bansang madaling maapektuhan ng climate change tulad na lamang ng Pilipinas.

Sa kaniyang pagkakataon na magbigay ng talumpati sa harap ng world leaders sa United Nations climate conference sa Paris, umapela ng tulong pinansyal si Pangulong Aquino para matulungang umahon at kayanin ng mga vulnerable na bansa ang mga dalang epekto ng climate change.

Bilang kinatawan ng Pilipinas, iginiit ng pangulo na malaki ang magagawa ng tulong pinansyal para maisakatuparan ang mga programang naglalayong ihanda ang bansa sa mga disaster.

Ani Aquino, ang tunay na hamon ngayon ay ang kung paano mapakikiusapan ang lahat na magibigay ng kanilang ambag, at kung paano aapela sa mga may kaya na tulungan ang mga kinakapos.

Hiniling din ni Pangulo na sana isaalang-alang ang panukala ng Climate Vulnerable Forum (CVF) na pondohan at suportahan ang mga developing countries dahil sa kalaunan ay sila na ang kakatawan sa 1 bilyong taong maaapektuhan ng climate change.

Sa ganitong paraan aniya ay magiging mas matatag ang buong mundo, at magiging makatarungan ito sa lahat dahil wala nang mapag-iiwanan.

Nabanggit din ni Aquino kung paano bumabangon ang Pilipinas matapos salantahin ng super bagyong Yolanda noong 2013, pero aminado siyang hindi ito naging madali.

Ipinahayag niya ang kahandaan ng bansa na gawin ang responsibilidad nito bilang bahagi sa pag-sugpo sa mga epekto ng climate change, kung handang sumuporta ang ibang mga bansa dahil aniya, hindi ito kakayanin ng Pilipinas mag-isa.

Kabilang aniya sa mga tulong na kailangan ng Pilipinas bukod sa pinansyal, ay ang “technology development and capacity building.”

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.