Tiniyak ng PAGASA Weather Bureau na maliit lamang ang tsansa na maganap ang isang ‘heatwave’ sa Pilipinas tulad ng nararanasan ngayon sa bansang Pakistan.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist 1 Robert Padrina, kahit na matapos na ang panahon ng tag-ulan sa Pilipinas, napaka-imposible pa rin na magkaroon ng ‘heatwave’ sa alinmang bahagi ng bansa.
Dahil aniya ang Pilipinas ay isang ‘maritime continent’, nagkakaroon ng ‘land-sea interaction na pumipigil na magkaroon ng ‘heatwave’.
Ang Pilipinas aniya ay hindi tulad ng Pakistan na nasa Northern Hemisphere na halos walang ‘moisture’ na makapagpapababa sana sa epekto nito.
Nagpapalala pa umano sa matinding init sa Pakistan ang pagsisimula ng summer ngayong buwan na tatagal hanggang Agosto.
Sinabi pa ni Padrina, wala pang naitala na kaso ng ‘heatwave’ sa kasaysayan ng Pilipinas.
Nilinaw naman ni Padrina, tanging ‘dry spell’ o kakulangan ng ulan lamang ang nararanasan sa ibang bahagi ng bansa na pinalalala ng mahinang El Niño.
Sa pinakahuling tala, umaabot na sa 800 katao ang nasawi dahil sa heat wave sa Pakistan./ Jong Manlapaz
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.