Andaya: Pagbawi ng Kamara sa naipasang 2019 budget, dapat aprubahan ng plenaryo
Iginiit ni House Appropriations Committee Chair Rolando Andaya na kailangang idaan sa plenary session ang anumang hakbang upang bawiin ang naipasang panukalang 2019 budget.
Ayon kay Andaya, boto din ng mayorya ng mga kongresista ang kailangan para bawiin ito tulad noong inaprubahan.
Sinabi nito na bilang pinuno ng Appropriations Committee ng Kamara kailangan siyang paliwanagan sa hakbang ukol sa budget dahil ang trabaho niya ay manguna sa pagbusisi sa pagpasa ng panukalang pondo.
Paliwanag nito, walang kahit isang kongresista ang may kapangyarihan upang bawiin ang anumang panukala na inaprubahan ng mababang kapulungan na naipasa na sa Senado.
Idinagdag pa nito na kahit siya ay chairman ng House Appropriations Committee ay hindi niya maaring palitan ang panukala na inaprubahan ng mga miyembro ng Kamara dahil isa lamang siya sa 291 na kongresista.
Ang pahayag ay reaksyon ng mambabatas kasunod ng pahayag ni Senator Panfilo Lacson na binabawi na ng Kamara ang inaprubahang 2019 budget na ipinasa sa Senado na kinumpirma naman ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.