Batikos ng mga kritiko sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC conspiracies theories lang ayon sa Malakanyang
Sinupalpal ng palasyo ng Malakanyang ang mga kritiko na bumabatikos kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court noong March 17.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, open season ngayon ng conspiracies theories ng mga taga-oposisyon kung kaya tiyak na sasamantalahin ang pagkakataon na banatan ang pangulo.
Bigla aniyang naging eksperto sa international law ang mga makakaliwang grupong Gabriela, Human Rights activists at mga kritiko dahil sa pagkalas ng Pilipinas sa ICC.
Sinupalpal rin ni panelo ang pangamba ng Amnesty International at Philippine Coalition for the International Criminal Court na lalong lalaganap ang patayan sa bansa at red tagging dahil sa pagkawala ng Pilipinas sa ICC.
Ayon kay Panelo, hindi totoo ang bintang ng mga kritiko dahil naka-angkla ang anti-drug war campaign ni Pangulong Duterte sa national survival at mayroong accountability ang mga pulis na umaabuso sa kanilang tungkulin.
Iginiit din ni Panelo na kailanman ay walang kinalaman ang gobyerno sa extra judicial killings.
Kung mayroon man aniyang nagpapatayan na mga drug personalities sa labas ng police operation, kagagawan na ito ng magkakalabang drug syndicates.
Dagdag ni Panelo, walang culture of impunity sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Hamon ni Panelo sa mga kritiko, magsampa ng kaukulang kaso laban sa pangulo kung sa tingin nila ay may mali sa anti-drug war campaign.
Sa huli sinabi ni Panelo na bagama’t kumalas na ang Pilipinas sa ICC, hindi naman bumagsak ang langit at nanatiling sumisikat ang araw sa silangan.
Pawang pag-iingay lang aniya ang ginagawa ng mga kritiko na kilalang dikit ng CPP NDA NPF na walang ibang hinangad kundi ang pabagsakin ang gobyerno.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.