Blue alert status itataas ng NDRRMC dahil sa Bagyong Chedeng
Itataas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang Alert Status mula sa White patungong Blue ngayong alas-8:00 ng umaga ng Lunes dahil sa Bagyong Chedeng.
Pumasok na ang bagyo sa bansa at nagbabadyang magpaulan sa Mindanao.
Sa isang statement, pinayuhan ng NDRRMC ang publiko na maghanda at patuloy na i-monitor ang lagay ng panahon sa pamamagitan ng radyo, telebisyon at social media.
Pinayuhan din ang mga turista na kanselahin muna ang kanilang aktibidad tulad ng mountaineering at swimming hanggang makaalis ang bagyo sa bansa.
Isang Pre-Disaster Risk Assessment meeting ang isinagawa araw ng Linggo para sa posibleng epekto ng bagyo.
Pinangunahan ito ni Interior and Local Government Director Edgar Allan Tabell at dinaluhan ng mga kinatawan ng DSWD, DOH, DILG, DICT, DepEd, PAGASA, MGB, PCG, BFP, AFP at OCD.
Sa pagpupulong ay sinabing posibleng matunaw at maging low pressure area ang bagyo habang binabaybay ang karagatn ng Silangang Mindanao.
Gayunman, ayon sa PAGASA, posibleng magdala pa rin ito ng mahihina hanggang sa malalakas na pag-ulan kaya’t pinaghahanda ang mga residente.
Tinukoy din ng PAGASA at MGB ang landslide at flood prone areas habang siniguro ng DSWD na may prepositioned items para sa isasagawang pagresponde.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.