(updated) Tinawag na manhid at palpak ni Vice President Jejomar Binay ang gobyerno ni Pangulong Aquino, ilang araw matapos siyang magbitiw bilang miyembro ng gabinete ni PNoy.
Sa kanyang talumpati sa Coconut Palace, sinabi ni Binay na ang mga bagay na dapat na ginagawa ng pamahalaan ay kabaligtaran sa administrasyon ni PNoy.
“Hindi ako papayag na magpatuloy ang kawalan ng katarungan sa bansa. Hindi ako papayag na iilan lang ang magtatamasa ng benepisyong nararapat sa karamihan. At lalong hindi ako papayag na alisin sa taumbayan ang pagkakataong magkaroon ng isang pamahalaang tapat at mahusay na naglilingkod upang guminhawa ang marami,” ayon kay Binay.
Sinabi ni Binay na patuloy ang ginagawang panggigipit sa kaniya at kaniyang pamilya pero ang mga kaalyado ng administrasyon ay hinahayaan sa kanilang mga kinasangkutang anomalya.
Kabilang sa tinukoy ni Binay ang mga anomaly sa Priority Development Assistance Fund (PDAF), Disbursement Acceleration Program (DAP), ang anomalyang nabunyag hinggil sa tangkang pangingikil ng isang opisyal ng MRT, at ang insidente sa Mamasapano.
“At habang ako ay ginigipit at inuusig, hinahayaan naman nila ang malawakang anomalya ng kanilang mga kasama at kapartido: ang Disbursement Acceleration Program (DAP), ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng kanilang mga kakampi, kapartido, at kaibigan; ang pangongotong sa MRT, at ang masaker ng SAF 44 sa Mamasapano,” dagdag pa ni Binay.
Ayon kay Binay, hindi siya papaya na magpatuloy ang kawalan ng katarungan sa bansa. Gayundin ang pagtamasa ng iilan sa benepisyong dapat ay nararamdaman ng nakararami.
Sinabi ni Binay na dapat ay magkaroon ng pamahalaan na nakikinig at tunay na nagmamalasakit lalo na sa mga mahihirap.
Ayon kay Binay, nakalulungkot na pinagkakaisahan siya sa kasalukuyang administrasyon, hinahamak, ginigipit at balak pa siyang alisin bilang bise president at balak ipakulong.
Kasabay nito ay hinamon ni Binay ang mga kandidato ng administrasyon na labanan siya sa isang malinis na halalan.
“May hangganan ang pagtitiis ng isang tao. Tama na. Sobra na. Bakit hindi nila ako harapin sa malinis na halalan? Alam nila na marami sa kanilang kandidato ang hindi mananalo sa isang malinis at patas na halalan,” ayon pa kay Binay.
Umani naman ng iba’t ibang reaksiyon mula sa kaalyado ng pangulo ang mga pahayag ni Binay.
Binay, “master trapo”, walang utang na loob! Ito naman ang reaksiyon ng isa sa mga kaalyado ng pangulo na si Congressman Egay Erice.
“Walang utang na loob si Vice President. Kung palpak ang administrasyong Ito, bakit niya hinihingi ang endorsement ng Pangulo?” yan ang baling ni Erice sa pahayag ni Binay.
Ayon naman kay House Speaker Sonny Belmonte Jr., hindi na dapat nanatili pa ng matagal sa gabinete si Binay kung ganon pala ang kaniyang posisyon sa kinabibilangan niyang administrasyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, ang mga sinabi ni Binay sa kaniyang talumpati ay pwede naman sanang binanggit na lamang niya noon sa mga cabinet meetings.
Sa nakalipas na limang taon kasi aniya ay wala silang naririnig sa anomang salita mula sa bise presidente. Nagtataka si Lacierda kung bakit tumagal ng mahabang panahon bago nailahad ni Binay ang kaniyang mga sama ng loob./ Dona Dominguez-Cargullo kasama ang ulat mula kina Ricky Brozas, Len Montaño, Isa Avendaño-Umali at Alvin Barcelona
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.