Konstruksyon ng Kaliwa Dam na popondohan ng China, pinamamadali na ng MWSS
Nais ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na madaliin na ang konstruksyon ng Kaliwa Dam sa Infanta, Quezon sa gitna ng water shortage na nararanasan sa East Zone ng Metro Manila.
Ang dam na nagkakahalaga ng P18.72 bilyon ay popondohan ng China.
Ayon kay MWSS Administrator Reynaldo Velasco, target sanang makumpleto ang konstruksyon ng dam sa 2023.
Gayunman, posibleng mapaaga ito sakaling magawa ng contractor na mapaikli sa 13.5 kilometers imbes na 27 kilometers ang tunnel na magkokonekta sa water source at treatment plant.
Ani Velasco, kayang makapagbigay ng tubig ng Kaliwa Dam ng aabot sa 600 million liters per day na pantay na paghahatian ng Maynilad at Manila Water o tig-50 percent.
Hindi pa makausad ang proyekto dahil kailangan pa muna nito ng environmental compliance certificate (ECC) mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Matatandaang kaliwa’t kanan ang protesta laban sa Kaliwa Dam mula sa mga environmental groups at local residents dahil sa umano’y magiging epekto nito sa kalikasan at hindi awtorisadong paggamit ng ancestral lands.
Samantala, sinabi naman ni Environment Usec. Benny Antiporda na wala pang aplikasyon ang isinusumite sa kagawaran para sa ECC ng dam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.