Aksidente sa demolition ng Mandarin Hotel hindi na mauulit ayon sa Ayala Group
Naglabas ng pahayag ang pamunuan ng Ayala Hotels Inc. kaugnay sa naganap na aksidente kahapon habang tinitibag ang lumang gusali ng Mandarin Hotel sa Makati City.
Sa kanilang statement, sinabi ni Ayala Hotels Inc. President Al Legaspi na hindi na mauulit ang aksidente kahapon kung saan ay nabagsakan ng malaking tipak ng semento ang paa ng 52-anyos na si Susan Melo.
Sa paunang imbestigasyon ay napag-alaman na galing sa 18th floor ng tinitibag na gusali ang malaking tipak ng semento na bumagsak sa paa ng biktima.
Makaraan ang ilang minuto ay isang malaking bahagi ulit ng semento ang bumagsak naman sa isang sasakyan na sa kabutihang palad ay walang nasaktan.
Iniimbestigahan na rin kung nagkaroon ng violation sa safety protocol ang JLC Constructions Inc. na kumpanyang nangangasiwa sa demolition ng Mandarin Hotel.
Simula kahapon ay sinuspinde na rin ng Makati City government ang demolition habang iniimbestigahan ang pangyayari.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.