Magpapatupad ng makabagong pamamaraan ang Bureau of Immigration sa Ninoy Aquino International Airport para sa mga Overseas Filipino Workers na bibiyahe palabas ng bansa.
Sa anunsyo ni BI Port Operations Division Chief Grifton Medina, natanggap na nila mula sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang 6 na tablet at 6 na bar code readers na kanilang gagamitin sa pag-check ng ‘validity’ ng OWWA E-cards.
Ang OWWA E-card ay ginagamit ng mga Balik Manggagawa bilang exit clearance.
Sa pamamagitan ng E-card ay nakakakuha sila ng mas mabilis na serbisyo ng OWWA.
Paliwanag ni Medina, may mga naitala silang kaso noong mga nakaraan nang mga OFW na gumagamit ng invalid overseas employment certificates kaya naman ang mga makabagong gamit na ito ay malaking tulong sa kanila.
Dagdag pa nya dahil sa bagong sistema, umaasa sila na ilang segundo na lang ang aabutin nang pag check ng E-cards.
Nakatakda namang ipamahagi ng BI ang mga donasyon ng OWWA sa mga BI personnel na magsasagawa ng pre screening sa departure counters.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.