PDEA at AMLC magsasama sa paghahabol sa drug money
Nagsama ng pwersa ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Anti-Money Laundering Council (AMLC) laban sa drug money launderers.
Isang Memorandum of Agreement ang nilagdaan ng PDEA at AMLC para mapabilis ang paghahanap at imbestigasyon sa mga kahina-hinalang money transactions alinsunod sa Section 3 ng Anti-Money Laundering Act.
Sinabi ni PDEA Director General Aaron Aquino na hindi biro ang pinaiikot na pera ng mga sindikatong nasa likod ng illegal drug trade operations sa bansa.
At para maitago ang kanilang kinita sa droga ay may mga paraan ang mga ito para hindi mabisto ng gobyerno.
Sinabi naman ni Atty. Mel Racela, executive director ng AMLC, na malaki ang maitutulong ng kanilang partnership sa PDEA sa paghahabol sa mga itinatagong pera ng mga nasa likod ng sindikato ng droga.
Ipinaliwanag pa ni Racela na mas madali na ngayong masisilip kung sangkot sa droga ang isang partikular na bank account dahil sa sharing of informations and data na lamang ng kasunduan.
Sa kanyang panig, sinabi ni Aquino na mas mapapabilis ang pag-freeze sa ilang suspected account dahil sa ugnayan nila sa AMLC.
Ang AMLC ang siyang pangunahing tanggapan ng pamahalaan na inaatasan na magpatupad Republic Act No. 9160 or the Anti-Money Laundering Act of 2001.
Bukod sa drug money, nagkaisa rin ng AMLC at PDEA na magtulungan sa imbestigasyon sa mga bank accounts na posibleng pag-aari ng ilang mga terorista.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.