20% student fare discount sa eroplano at barko isinusulong ni Sen. Sonny Angara
Umaasa si reelectionist Senator Sonny Angara na magiging ganap nang batas bago ang bakasyon sa eskuwelahan ang itinutulak niyang 20 porsiyentong diskuwento ng mga estudyante sa pasahe sa barko at eroplano.
Aniya mas magiging masaya ang bakasyon ng mga estudyante kung mababawasan ang gagastusin nila sa pasahe sa pag-uwi sa kanilang probinsiya para makapiling ang kanilang pamilya.
Sinabi ng senador hindi na kakailanganin pa na maghintay ng ‘promo fares’ ang mga estudyante kapag naging regular na ang diskuwento nila sa pagbiyahe sa himpapawid o karagatan gaya ng nakapaloob sa inihain niyang Senate Bill 1597.
Ibinahagi nito na noong Oktubre ay nakalusot na sa third and final reading sa Senado ang panukala, samantalang ang bersyon nito sa Kamara ay naipasa na rin noong nakaraang buwan.
Ayon kay Angara kapag napirmahan na ng pamunuan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang panukala ay agad itong ipapadala sa Malakanyang para naman mapirmahan na ni Pangulong Duterte.
Pagdidiin ng senador ang anumang halaga na madidiskuwento ng estudyante ay malaking tulong maging sa mga magulang dahil ang matitipid na halaga ay maaring magamit sa ibang gastusin sa pag aaral.
Kapag naging ganap na batas, higit sa 20 milyong estudyante ang makikinabang sa isinusulong ng senador.
Kabilang din si Angara sa nagpursige na maipasa ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act para sa libreng pag aaral sa mga state colleges and universities sa buong bansa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.