Duterte, muling tinanggihan si Marcos
Prangkang tinanggihang muli ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte ang panunuyo sa kaniya ni Sen. Bongbong Marcos para maging ka-tandem niya sa darating na halalan.
Ayon kay Duterte, tumanggi na siya kay Marcos dahil akala niya ay ka-tandem na nito si Sen. Miriam Defensor-Santiago, at napili na rin niya si Sen. Alan Peter Cayetano para maging running mate niya.
Una nang sinabi ni Marcos na silang dalawa ni Santiago ay nasa ilalim ng isang loose coalition, at nais rin niya sanang bumuo ng coalition kasama si Duterte.
Bagaman mukhang tiyak na talaga si Duterte na si Cayetano ang makakasama niya sa kandidatura, hindi naman ganito ang pananaw ng kaniyang kinabibilangang partido na Partido Demokratikong Pilipino-Laban ng Bayan o PDP-Laban.
Ayon kasi kay PDP-Laban president Sen. Aquilino Pimentel III, hindi pa si Cayetano ang opisyal na vice presidential candidate ng kanilang partido.
Sila aniya kasi ang dapat na mamimili kung sino ang dapat maging running mate ni Duterte, pero aminado rin siya na mangingibabaw pa rin ang desisyon ng alkalde.
Magugunitang nasabi na noon ni Pimentel na marami sa kanilang miyembro ay boto kay Marcos, pero siya mismo ay nanindigan ng pagtanggi dito dahil ang kanilang partido ay isa sa mga lumaban sa diktadurya ng ama nito.
Pag-uusapan pa aniya ito ng kanilang partido, pero muli niyang nilinaw na mas malakas pa rin ang puntos ng pipiliin ni Duterte.
Samantala, ayon kay Pimentel, pupulungin niya si Duterte sa susunod na linggo para mag-hain na ng kaniyang certificate of candidacy sa Commission on Election, bago pa man sila pumili ng kaniyang running mate.
Aapela aniya siya kay Duterte na huwag nang patagalin pa ang paghahain ng COC at na sana ay gawin na ito agad sa susunod na linggo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.