Pinayuhan ni Senator Sonny Angara ang mga kabataang Pilipino na bigyan halaga o pahalagahan ang tinatamasa nilang magandang kalidad ngayon ng edukasyon sa bansa.
Sa programang Raw Talk sa Radyo Inquirer/Inquirer 990 Television, binanggit ni Angara ang umiiral na libreng edukasyon sa kolehiyo na anya’y hindi naranasan ng mga naunang henerasyon.
Ayon sa Senador, hindi dapat sayangin ng mga kabaataan ang edukasyon dahil dati ay limitado lamang ang nakakapag-aral sa isang pamilya.
“Ang message ko lagi sa kanila [kabataan], you better value your education because a few generations ago hindi ito available sa generations ng parents nila o kanilang lolo at lola. Ito’y kakaibang oportunidad, wag sayangin kasi in a family of four dati, isa o dalawa lang makakapag-aral…eto wala talagang iwanan, lahat magtatapos,” ani Angara.
Dagdag ni Angara, hindi nawawala ang mga hamon sa implementasyon ng libreng edukasyon gaya ng pondo.
Pero kumpyansa ang reelectionist Senator na natutugunan ito ng gobyerno gaya na lamang ng paglalaan ng mas malaking pondo para sa edukasyon sa bansa.
“Noong nasa Kongreso pa ako, ang budget ng Ched minsan lang lumampas ng P10 billion pero sa ngayon ay halos P50 billion na ito…kaya marami ang nagsasabi okay lang sa akin magbayad ng tamang buwis basta edukasyon ang patutunguhan,” pahayag ni Angara.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.