2 lalaking kalalabas lang ng KTV bar sugatan sa pamamaril sa QC

By Dona Dominguez-Cargullo February 27, 2019 - 06:23 AM

Sugatan ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin sa labas ng isang KTV bar sa IB Road, Barangay Batasan Hills sa Quezon City.

Kalalabas lamang ng KTV Bar ng dalawang biktima at nag-aabang ng masasakyang tricycle nang sila ay pagbabarilin ng suspek.

Ayon sa isang saksi mabilis na tumakas ang gunman sakay ng nakaabang na kotse.

Sa salaysay ng isang waiter sa bar, mula alas 9:00 ng gabi ay nag-iinuman na ang dalawang biktima kasama ang dalawang iba pa.

Sa inisyal na imbestigasyon ng QCPD Station 6, may nakaalitan sa loob ng KTV bar ang dalawa bago nangyari ang pamamaril.

Kwento kasi ng isa sa mga kasama ng mga biktima, sinita sila ng isang lalaki habang pababa sila ng hagdan ng bar at nagpakilala umano itong pulis.

Pero ayon kay Chief Insp. Sandie Caparroso ng QCPD station 6, may hawak na silang person of interest sa pamamaril na positibong kinilala ng mga testigo.

Agad naisugod sa pagamutan ang dalawang biktima.

TAGS: ambush, QCPD, quezon city, Radyo Inquirer, ambush, QCPD, quezon city, Radyo Inquirer

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.