Sen. De Lima wala sa listahan ng mga drug operators sa Bilibid ayon sa dating CIDG chief

By Jan Escosio February 22, 2019 - 06:04 PM

INQUIRER FILE PHOTO

Isinalang sa witness stand si dating PNP CIDG Director Benjamin Magalong at pumabor kay Senator Leila de Lima ang testimoniya nito sa korte sa Muntinlupa City na dumidinig sa kasong illegal drug trading ng senadora.

Sinabi ni Magalong wala sa nabuo nilang listahan ng mga drug operators sa loob ng Bilibid si de Lima at aniya base ito sa ginawa nilang intelligence operations sa loob ng pambansang piitan.

Ayon pa kay Magalong, dahil walang bahid ng pagdududa kay de Lima kaya’t nakikipag-ugnayan ang CIDG maging ang PDEA sa DOJ para sila ay makapagsagawa ng operasyon sa loob ng Bilibid.

Idinagdag pa nito, kinausap pa niya ang noon ay justice secretary na si de Lima matapos nilang madiskubre ang mga high-profile prisoners na may operasyon ng droga sa loob ng piitan.

Ikinuwento pa ni Magalong na nakakasa na ang kanilang Oplan Cronus ngunit pinigilan siya ni dating Bucor Chief Franklin Bucayu na isagawa ito dahil lubhang delikado.

Aniya sa kanilang mga impormante at sa mga balita na lang niya nalaman na nag-operate ang PDEA at NBI sa loob ng Bilibid ng hindi ipinapaalam sa kanila.

Kaugnay naman sa naging testimoniya ni Magalong, sinabi ni Asst. City Prosecutor Rudy Ricamora Jr., na hindi lang naman si de Lima ang akusado sa kaso.

Pagdidiin pa nito nais nilang mapatunayan na may illegal drug trading sa loob ng Bilibid habang si de Lima pa ang justice secretary.

Nakadalo din sa pagdinig kanina sa RTC Branch 205 ang dating driver-bodyguard ni de Lima na si Ronnie Dayan.

Itinakda naman sa Marso 15 ang susunod na pagdinig.

TAGS: court hearing, drug case, leila de lima, court hearing, drug case, leila de lima

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.