Malakanyang dumistansya sa panawagang sibakin o pagbitiwin si NYC Chairman Cardema
Ipinauubaya na ng Malakanyang kay National Youth Commission Ronald Cardema ang pagpapasya kung papatusin ang mga panawagang magbitiw sya sa puwesto matapos ang kontrobersiyal na pahayag na tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng sumasama sa mga rally kontra sa gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, kung sa palagay ni Cardema ay karapat-dapat pa siya sa puwesto ay dapat na manatili na muna siya sa kanyang posisyon.
Pero kung sa tingin naman aniya ni Cardema ay nakabigat na siya sa administrasyon dahil sa kanyang mga pahayag ay batid na nito ang susunod niyang gagawin.
“Iyong call for resignation nasa kanya, if he feels na he is still adequate, alam niya na kung ano ang dapat niyang gawin. Kung sa tingin niya nakakabigat siya sa administrasyon dahil doon sa kanyang mga katataga, eh alam niya rin ang gagawin niya,” ayon kay Panelo.
Mismong si Pangulong Rodrigo duterte na rin aniya ang nagsabi kahapon na hindi siya pabor na tanggalan ng scholarship ang mga estudyante na naghahayag lamang ng kanilang damdamin kontra sa gobyerno.
Pero ayon sa pangulo, matatanggalan ng scholarship ang mga estudyante kapag sumuporta o umanib na sa rebeldeng New People’s Army (NPA).
Pinayuhan pa ni Panelo si Cardema na magpaturo kay dating NYC Chair Aiza Seguerra.
Matatandaang kahapon lamang, hinikayat ni Cardema si Pangulong Duterte na maglabas ng executive order para tanggalan ng scholarship ang mga estudyanteng panay sama sa mga rally.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.