Hindi lang pinagtibay kundi dinagdagan pa ng Senado ang budget ng Department of National Defense para sa susunod na taon.
Sa kanyang paliwanag, sinabi ni Sen. Loren Legarda, Chairman ng Senate Finance Committee na kahit dinagdagan pa ng P250 Million ang DND proposed budget na P116.2 Billion ay kulang pa rin ito kumpara sa kanilang kinakaharap na mga isyu.
Sinabi ni Legarda na hindi lamang internal problem ang binabantayan ngayon ng DND kundi maging ang pagpapatatag ng ating depensa laban sa banta ng pag-atake mula sa labas ng Pilipinas.
Inihalimbawa ni Legarda ang problema sa West Philippine Sea at ang banta ng terroristic attacks.
Ipinaliwanag pa ng opisyal na dapat bigyan din ng pansin ang matagal nang nakabitin na modernization ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa kanyang panig, sinabi naman ni Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na kailangang himayin din ang budget ng ilan pang ahensya ng pamahalaan.
Maraming mga tanggapan sa gobyerno ang ayon kay Enrile ay dapat kaltasan ng pondo para maibigay sa mga ahensyang mas nangangailangan ng dagdag na budget.
Target ng Senado na tapusin ang budget deliberations sa linggong ito para maisalang na sa Bicameral conference hearing ang final draft ng proposed budget sa unang linggo ng Disyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.