NBI: Hindi namin tinakot ang mga tauhan ng Rappler
Nilinaw ng National Bureau of Investigation (NBI) na walang naganap na pananakot sa mga staff ng Rappler taliwas sa kanilang pahayag sa social media.
May kaugnayan ito sa naging pag-aresto kahapon ng ilang NBI agents kay Rappler CEO Maria Ressa sa kanilang tanggapan sa Pasig City.
Sinabi ni NBI Cybercrime Division Chief Victor Lorenzo na walang dahilan para takutin nila ang mga tauhan ng Rappler na kumukuha ng video habang inihahain nila ang arrest warrant mula sa Manila Regional Trial Court.
Nauna nang sinabi ni Rappler reporter Aika Rey na pinagbawalan umano siya ng isang NBI agent na kumuha ng video dahil ayaw niyang maipakita sa internet ang kanyang mukha.
Sa hiwalay na pahayag ay sinabi ni Justice Undersecretary at Spokesman Mark Perete na nakahanda silang imbestigahan ang naging alegasyon ng Rappler.
Nauna na ring sinabi ni Justice Sec. Menardo Guevarra na walang masamang kunan ng video ang ginagawang pag-aresto ng mga otoridad basta’t hindi sila makiki-alam sa proseso ng paghahain ng arrest warrant.
Kaninang umaga ay nakapag-pyansa na rin si Ressa ng P100,000 makaraan siyang magpalipas ng magdamag sa opisina ng NBI.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.