Piyansa ni Maria Ressa, hindi tinanggap ng korte
Magpapalipas ng magdamag si Rappler Chief Executive Officer Maria Ressa sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ay matapos na tanggihan ng night court sa Pasay City ang piyansa ni Ressa para sa kasong cyber libel.
Inaresto si Ressa batay sa arrest warrant na inilabas ng Manila Regional Trial Court Branch 46 na may petsang February 12.
Isinilbi ng NBI agents ang arrest warrant laban sa Rappler CEO sa tanggapan nito sa Pasig City Miyerkules ng hapon.
Una nang sinabi ni Ressa na okay lang sa kanya na magpalipas ng gabi sa NBI at hindi anya ito magpapahinto sa kanilang trabaho bilang mamamahayag.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng negosyanteng si Wilfredo Jeng na laman ng artikulo ng Rappler na may titulong “CJ using SUVs of controversial businessman.”
Ang CJ na tinukoy sa istorya ay ang pumanaw na Chief Justice na si Renato Corona na noon ay nasa impeachment trial.
Itinanggi na ni Keng ang alegasyon at hiniling sa Rappler na alisin ang artikulo pero naglabas pa ang online news site ng updated story noong 2014.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.