Motion for Reconsideration ni Jover Laurio ibinasura; panalo ni Mabanta napagtibay
Ibinasura ng Makati City Office of the City Prosecutor ang Motion for Reconsideration ng blogger na si Jover Laurio kaugnay ng kasong cyber libel at pinagtibay ang unang desisyon pabor sa CEO ng maraming kumpanya at sikat na social media influencer na si Franco Mabanta.
Sa resolusyon na pirmado ni Assistant City Prosecutor Maria Ghia C. Evangeliats-Vizcarra at inaprubahan ni Senior Deputy City Prosecutor Emmanuel D. Medina, ibinasura ang apela ni Laurio matapos mapatunayan na ang ebidensyang iprinisinta nito ay hindi sapat na patunay na siniraan ni Mabanta ang hitsura ng complainant.
“A thorough re-evaluation of the matter was made wherein this Office arrived at the same conclusion, that is, the pieces of evidence submitted are insufficient to find probable cause to indict respondent with the offense complained of,” nakasaad sa resolusyon.
Dagdag ng Office of the Prosecutor, walang naibigay ang blogger na mahalagang ebidensya o umano’y pagkakamali sa batas na pwedeng maging merito para muling makunsidera ang kanyang mosyon.
Nag-ugat ang kaso sa post ni Mabanta kung saan nakasaad ang mga salitang “Ogre Lady” at “super ugly.”
Dahilan ito ng reklamong libelo ni Laurio laban kay Mabanta kung saan nanghihingi ang blogger ng P500,000.00 sa bawat insidente.
Sa desisyoon ni Assistant City Prosecutor Rudy B. Ricamora Jr. noong June 20, 2018 inirekomenda ang pagbasura sa kasong libel laban kay Mabanta dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya, bagay na inapela ni Laurio.
Hiniling ni Laurio ang reversal o pagbaligtad sa naturang resolusyon na nagbasura ng kaso laban kay Mabanta.
Pero kamakailan ay nagdesisyon ang Makati City Prosecutor’s Office na ibasura ang Motion for Reconsideration ni Laurio at pagtibayin ang unang resolusyon pabor kay Mabanta.
Ayon pa sa resolusyon, hindi naberipika ang mosyon ni Lauiro alinsunod sa NPS Rules on Appeal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.