Mayor Baldo, inilipat na sa kulungan mula sa ospital
Mula sa ospital ay inilipat na ng pulisya sa kulungan si Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na umanoy utak sa pagpatay kay Ako Bicol Party-list Rep. Rodel Batocabe.
Ayon sa kampo ni Baldo, sa kabila ng medikal na kundisyon ni Baldo ay inilipat na ito sa Legazpi City police station.
Sinabi ni Atty. Charlie Santos na pumayag si Mayor Baldo na mailipat sa kulungan dahil handa itong harapin ang kaso laban sa kanya.
Inilipat ang alkalde sa kulungan alas 6:45 Lunes ng gabi.
Tinutulan umano ng mga abogado ng opisyal ang paglipat dito at naghanap sila ng mga dokumento ukol sa transfer pero sinabi umano ng pulisya na mayroong verbal instruction sa kanila.
Ayon sa abogado, kailangan pa ring obserbahan ng mga doktor ang kundisyon ni Baldo partikular ang umanoy impeksyon sa tiyan nito.
Naconfine si Baldo sa University of Sto. Tomas Hospital Legazpi mula noong January 23 dahil inatake ito ng hika at nagka-altapresyon matapos arestuhin dahil sa possession of firearms and explosives kasunod ng raid sa bahay nito.
Tinutulan ng kampo ng alkalde na ilipat si Baldo sa Philippine National Police (PNP) Hospital sa Camp Crame dahil maaari umanong may mangyari sa opisyal sa gitna ng paglilipat sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.