Pope Francis, may 3 araw na papal visit sa UAE
Nakatakdang dumating ngayong araw ng Linggo si Pope Francis sa United Arab Emirates para sa kanyang tatlong araw na papal visit.
Makasaysayan ang pagbisita ni Pope Francis sa UAE dahil ito ang kauna-unahang papal visit sa Arabian Peninsula.
Ayon sa local media, mahahaba na ang pila sa labas ng mga simbahan sa UAE para makahingi ng tickets para sa Papal Mass na magaganap sa Martes.
Inaasahang 135,000 katao ang dadalo sa misa ng Santo Papa sa Zayed Sports City sa Abu Dhabi.
Suportado ng gobyerno ang misa matapos ipag-utos na gawing holiday ang naturang araw para sa mga nagnanais dumalo sa Papal Mass.
Nasa isang milyong Katoliko ang naninirahan sa UAE ayon sa Apostolic Vicariate of Southern Arabia (AVOSA), ang nangangasiwa sa Simbahang Katolika sa UAE, Oman at Yemen.
Kakanta sa misa ng Santo Papa ang choir na may 120 miyembro mula pa sa iba’t ibang simbahan sa UAE at kinabibilangan ng mga Filipino, Indians, Lebanese, Syrians, Jordanians, Armenians, French, Italians at iba pang mga lahi.
Ang choir ay pangungunahan ng Pinay na si Joy Santos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.