Mga indibidwal na namataan sa CCTV footage ng Jolo twin blasts, inabswelto na
Nilinis na ng pulisya ang pangalan ng apat na indibibidwal na una nang tinukoy na ‘persons of interest’ sa magkasunod na pagsabog sa Jolo, Sulu.
Kabilang dito ay ang may suot na blue-green jacket at may dalang red bag batay sa CCTV.
Nakilala ang may suot na blue-green jacket na si Alshaber Arbi, Grade 11 student at siya ang pinaghinalaang kapatid ni Abu Sayyaf Group leader Surakah Ingog.
Ang kasama naman ni Arbi ay ang kanyang guro na si Gerry Isnajil.
Kapwa sumuko ang dalawa sa pulisya upang linisin ang kanilang mga pangalan at dahil na rin sa takot na tugisin ng mga awtoridad.
Dala rin ng dalawa ang mga gamit nila kabilang ang cellphone at bag na makikita CCTV para patunayan ang kanilang mga sarili.
Kumbinsido si Sulu Police chief Sr./Supt. Pablo Labra na inosente ang dalawa at hindi miyembro ng Ajang-Ajang group na nauna na nilang pinaghinalaan.
Bukod kina Arbi at Isnajil dalawa pa ang sumuko na nakilalang magpinsan at nag-aalaga sa kamag-anak sa kalapit na ospital ng Jolo Cathedral.
Kwento ng dalawa ay lumabas lamang ng ospital para kumain ng almusal.
Dahil dito nilinis na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang pangalan ng magpinsan.
Sinabi naman ni Labra na patuloy ang kanilang gagawing pagtugis laban sa mga tunay na suspek.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.