SWS: Mga Pinoy pabor na manatili ang edad 15 na age of criminal responsibility
Taliwas sa gusto ng administrasyong Duterte at ng mga mambabatas, suportado ng mas maraming Pilipino ang pananatili ng age of criminal responsibility sa edad na 15 anyos.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS) kapartner ang Commission on Human Righst (CHR), mayorya ng mga Pinoy ang nais na manatili sa 15 anyos ang edad ng pananagutan ng kabataang nagkasala sa batas.
Ayon kay SWS president Mahar Mangahas, ginawa ang survey sa 1,500 respondents na tig-300 sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao.
Ginawa ang survey mula July 13 hanggang 16 noong nakaraang taon habang ang iba ay tinanong mula December 18 hanggang 22.
Tinanong ang mga respondents kung pabor o tutol sila sa pagkukulong sa menor de edad dahil sa sumusunod na mga krimen: pagnanakaw ng pagkain at cellphone, pagiging drug courier, nakapatay at nanggahasa.
Sinabi ni Mangahas na naitala ang median age na 15 anyos sa lahat ng naturang krimen.
Sa mga tutol na makulong ang kabataang nagkasala, mahigit pito sa 10 Pilipino ang nagsabi na mabuting ilagay ang bata sa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Isa naman sa 10 ang nagsabi na mabuting nasa kustodiya ng Barangay habang ang natitirang respondents ang nais na mapunta sa Bahay Pag-asa facilities ang kabataang nakagawa ng krimen.
Samantala, welcome kay CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana ang resulta ng survey kasunod ng pag-apruba ng Kamara sa 12 anyos na age of social responsibility.
Sinabi ni Gana na dapat isama ng Senado ang resulta ng survey sa desisyon kung ibababa ang edad ng pananagutan ng batang nakagawa ng krimen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.