Oral argument sa isyu ng martial law extension sa Mindanao tuloy na
Matapos na maipagpaliban nuong nakaraang Martes at Miyekules ang itinakdang oral argument ng Korte Suprema kaugnay sa kinukuwestyung ikatlong pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao ay matutuloy na rin ito ngayong araw.
Tatalakayin sa naturang oral argument ng alas 2:00 ng hapon ang ilang mga isyu tulad ng mayroon bang factual basis upang palawigin pa sa ikatlong pagkakataon ang martial law sa Mindanao.
Kabilang din sa mga pag-uusapan ay ang isyu kung mayroon bang limitasyon na nakasaad sa konstitusyon kaugnay ng pagpapalawig ng batas military.
Kung maituturing bang functus officio o wala ng dahilan upang palawigin pa ang martial law dahil sa natapos na ang Marawi siege.
At kung ang pag apruba ba ng kongreso sa kahilingan ng ehekutibo ay isang political question at hindi reviewable ng SC en banc.
Matatandaang naipagpaliban ang naunang petsa ng oral argument makaraang atasan ng Korte Suprema ang Office of the Solicitor General na magkomento sa panibagong mga petisyon kaugnay ng ikatlong extension ng Martial law sa Mindanao.
Partikular dito ang mga petisyon na inihain ng Makabayan bloc ng Kamara at ni dating Comelec Chairman Christian Monsod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.