Hostage-taking sa Mali tapos na, Bilang ng patay umakyat sa 27
Umakyat na sa 27 ang nai-report na patay sa naganap na siege sa Radisson Blu Hotel sa Bamako Mali.
Sinabi ni United Nations Mission Spokesman Oliver Salgado na inaalam pa ng mga otoridad doon kung ilan sa mga napatay ang kasapi ng extremist group na pinamumunuan ni dating Al-Qaeda Commander Moktar Balmoktar.
Pero sa inisyal na report ni Mali Army Commander Nodibo Nama Taore kanyang sinabi na dalawang terorista ang napatay sa nasabing bakbakan.
Nauna dito, sinabi ni U.S Army Col. Mark Cheadle na sampung kalalakihan na armado ng mga assault rifles at granada ang lumusob sa nasabing hotel at hinostage ang 170 guests.
Kabilang sa mga nabihag ay mga turista mula sa France, Belgium, Germany, China, Ivory Coast, India, Canada at Turkey.
Sa unang sigwada ng putukan ay marami ang nakatakas sa pamamagitan ng pagdaan sa ibat-ibang mga pintuan ng hotel.
Kinailangan pa ang tulong ng Special Forces ng U.S at France na nakabase sa Bamaka bago tuluyang napasok ang hotel kung saan ay nagsagawa sila ng sweeping sa bawat palapag para matiyak na ligtas ang lahat ng mga bihag.
Sinabi ng France na itinuturing nila ito bilang ikalawang pag-atake sa kanilang pamahalaan dahil ang Mali ay dati nilang colony.
Nagpalabas naman ng advisory ang U.S State Department sa lahat ng mga Amerikano sa labas ng U.S na mag-ingat at umiwas sa mga matataong lugar dahil sa banta ng pag-atake.
Mula sa Asean Summit sa Kuala Lumpur Malaysia ay binabantayan din ni U.S President Barack Obama ang mga kaganapan sa Mali.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.