Ang mga sindikato ng illegal na droga ay kalimitang nangangako ng malaking halaga kapalit ng pagiging drug mule. Ito ang muling paalala sa publiko ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA kasunod ng kaso ni Mary Jane Veloso na nalinya sa bitayan sa Indonesia.
Hindi si Veloso ang kauna-unahang Pinay na nasa bitayan at naging biktima ng mga sindikato ng illegal na droga. Sa China kabilang sa mga binitay dahil sa nahulihan sila ng malaking kwantidad ng droga ay si Sally Ordinario-Villanueva at sina Ramon Credo at Elizabeth Batain.
Ayon kay PDEA Spokesperson Derek Carreon dalawang bagay lamang ang kalimitang nangyayari, ang maging biktima dahil sa kawalan ng kaalaman sa mga paraan ng sindikato o ang kusang loob na pumasok sa grupo kapalit ng malaking halaga ng pera kapalit ng delikadong misyon ng pagdadala ng ilegal na droga sa ibang bansa.
“Totoong may mga nakakalusot, kaya marami ang nahihikayat na makipagsapalaran, pero paano kung hindi nakalusot, parusang kamatayan talaga ang naghihintay sa sinumang mahuhuli dito,” ayon kay Carreon.
Muli ding nagpaalala ang PDEA na maging maingat sa pakikipag-kaibigan sa social media networks tulad ng Facebook dahil sa dito kalimitang nagtatagpo ang mga galamay ng sindikato at mga magiging kasangkapan ng sindikato.
“Maging mapanuri tayo at matuto tayo sa karanasan ng mga kababayan nating naging masaklap ang kinahantungan dahil sa pagkasilaw sa perang kapalit ng pagiging kasangkapan ng ilegal na sindikato”, dagdag pa ni Carreon. –Mary Rose Cabrales (wakas).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.