Direksyon ng bagyong Amang nabago; tinatahak na ang direksyon patungong Leyte-Samar area
Nabago ang direksyon ng bagyong Amang at ngayon ay patungo na sa Leyte-Samar area.
Sa 8AM weather bulletin ng PAGASA, ang bagyo ay huling namataan sa bisinidad ng Guiuan, Eastern Samar.
Taglay ng bagyo ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers bawat oras at pagbugsong aabot sa 60 kilometers bawat oras.
Kumikilos ang bagyo sa bilis na 10 kilometers bawat oras sa direksyong Northwest.
Ayon kay PAGASA senior weather specialist Chris Perez, sa susunod na 24 na oras ay hihina ang bagyo at magiging isang low pressure area na lamang.
Gayunman, hindi pa rin aniya ito dapat ipagsawalang-bahala ng publiko lalo na ang mga lugar na nakararanas na ng malakas na pag-ulan.
Ayon kay Perez, aasahan pa rin ang hanggang sa malakas na buhos ng ulan sa Eastern Visayas, Central Visayas, at Bicol Region.
Habang bukas, malakas pa rin ang buhos ng ulan na mararanasan sa Eastern Visayas, Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.