P100,000 pabuya sa makapagtuturo sa mga suspek sa N. Cotabato bombing
Nagtulung-tulong ang mga opisyal ng North Cotabato at bayan ng Kabacan para makabuo ng P100,000 na magsisilbing pabuya sa sinumang makapagtuturo sa mga responsable sa sunud-sunod na pagpapasabog ng granada sa probinsya nitong buwan.
Inanunsyo ni Kabacan Mayor Herlo Guzman sa pagpupulong ng Municipal Peace and Order na handa ang lokal na pamahalaan na magbigay ng P50,000 sa sinumang makatutulong sa mga pulis na matunton at maaresto ang mga nasa likod ng pagpapasabog.
Ganoon din ang naging desisyon ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza kaya magbibigay rin siya ng parehong halaga sa mga informants.
Ani Guzman, ito ay para lumabas na at makatulong sa paghahanap ang sinumang may hawak na impormasyon tungkol dito.
Kabilang sa mga posibleng motibo sa mga pagpapasabog aniya ay ang pagpapalabas na hindi ligtas na lugar ang Kabacan, at maari ding para siraan ang kaniyang pamumuno.
Samantala, wala pa namang eksaktong motibong napagtatanto ang mga pulis, at maging kung sino ba talaga ang mga suspek.
Naniniwala si provincial police director Senior Supt. Alexander Tagum na maaaring iisang grupo lamang ang kinabibilangan ng mga suspek dahil pare-parehong uri ng fragmentation grenades ang ginamit ng mga ito.
Ayon sa mga pulis, hindi bababa sa pitong katao ang nasaktan dahil sa mga nasabing pagsabog.
Para mas paigtingin ang seguridad sa bayan, iminungkahi din ni Tagum na buhaying muli ang Task Force Kabacan na bubuuin ng mga pulis at sundalo para mapigilan ang mga susunod pang pag-atake.
Para naman kay Mendoza, dapat mas palawigin ng lokal na pamahalaan ang paggamit sa barangay police action teams, kasabay ng kaniyang panawagan sa mga residente na magkaisa at maging mapagmatyag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.