Sinabi ng pamunuan ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) na sila rin ay biktima sa naganap na $81 Million bank heist noong 2016.
Reaksyon ito ng RCBC makaraang hatulan ng guilty sa paglabag sa anti-money laundering law si Maia Santos-Deguito na dating manager ng RCBC branch sa Jupiter street sa Makati City.
May kaugnayan pa rin ito sa online cyber heist kung saan umaabot sa $81 Million ang nawala mula sa nakadepositong account ng Bangladesh Central Bank sa Federal Reserve Bank sa New York noong 2016.
Ang hatol ay inilabas kaninang umaga ng Makati Regional Trial Court Branch 149 kaugnay sa eight counts ng paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Si Deguito ay makukulong ng mula apat hanggang pitong sa bawat count at pinagbabayad ng multang $109 Million.
Sinabi ni RCBC Spokesperson Thea Daep na patunay lamang ang hatol na walang kinalaman ang bangko sa nasabing transaksyon at si Deguito lamang ang gumawa ng paraan para magtagumpay ang nasabing plano.
Samantala, sinabi naman ni Bangladesh Ambassador to the Philippines Asad Alam Siam na isang welcome development ang pangyayari pero hihintayin pa umano nila ang pagtatapos ng kasong ito hanggang sa conviction ng mga nasa likod ng nasabing pagnanakaw.
Mula sa halagang $81 Million, umaabot lamang sa $15 Million ang nabawi ng Bangladesh Central Bank.
Ang RCBC naman ay pinagmulta ng P1 Billion ng Bangko Sentral ng Pilipinas dahil sa kanilang kabiguan na maharang ang nasabing ilegal na transaksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.