Mga pulis at sundalo sangkot sa high-profile killings ayon kay Pangulong Duterte
Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot ang ilang mga miyembro ng pulisya at militar sa nagaganap na pagpatay sa malalaking personalidad sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Barangay Summit on Peace and Order sa Pasay City, sinabi ni Duterte na sangkot ang mga pulis, militar maging ang New People’s Army sa mga pagpatay.
“Itong mga kidnapping, karamihan diyan involved ang pulis. High-profile killing, may involved diyan Army, pulis, pati NPA (New People’s Army),” ayon sa presidente.
Hindi naman na pinalawig pa ng punong ehekutibo ang kanyang pahayag.
Matatandaang halos naging sunud-sunod ang pamamaslang sa mga opisyal ng gobyerno noong nakaraang taon.
Kamakailan lamang, napatay sa pamamaril si Ako Bicol Partylist Rep. Rodel Batocabe sa isang gift-giving event sa Daraga, Albay.
Ilan din sa mga kilalang mga pulitikong napatay noong 2018 ay sina General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote, Tanauan Batangas Mayor Antonio Halili at Sudipen, La Union Mayor Alexander Buquing.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.