Bagaman isang taon pa ang nalalabi sa kaniyang termino tila nasa “pre-retirement mode” na umano si Pangulong Noynoy Aquino.
Sa panayam ng Radyo Inquirer kay Political Analyst at UP Prof. Clarita Carlos sinabi nitong dapat sana ay sinasamantala na ng Pangulong Aquino ang nalalabing panahon niya sa pwesto para madaliin ang mga mahahalagang panukalang batas na hanggang sa ngayon ay nakabinbin pa gaya ng Freedom of Information Bill.
Dapat din aniyang kumilos ang administrasyon sa modernization ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), pagsusulong ng magna carta dor elderlies at iba pa habang nasa kapangyarihan pa si PNoy.
“For the next 11 months he still has the full authority, for God’s sake Mr. President, itulak mo ang FOI, itulak mo ang modernization ng NBI ng PNP, ang magna carta for elderlies. Mukhang nasa pre-retirement mode na siya and that’s very sad, parang itinatapon na niya itong remaining months,” ayon kay Carlos
Ayon kay Carlos, marami pang natitira sa pondo ng pamahalaan na dapat ay ginagamit na ng gobyerno para tustusan ang mga nakabinbing proyekto at mga panukalang batas.
Dismayado si Carlos dahil noong nangangampanya si PNoy, isa ang FOI bill sa mga pangako nitong isusulong pero hanggang sa ngayon ay hindi pa ito nasasabatas./ Dona Dominguez-Cargullo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.