Buong Quarantine Group sa NAIA sinibak sa pwesto; Bigo umanong magpatupad ng quarantine protocols laban sa African Swine Fever
Ipinag-utos ni Department of Agriculture (DA) Sec. Manny Piñol ang pagsibak sa buong Quarantine Group na nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ito ay dahil sa kabiguang magpatupad ng quarantine protocols na layong maharang ang pagpasok sa bansa ng pork products na apektado ng African Swine Flu (ASF).
Ayon kay Piñol epektibo ang pagsibak sa buong Quarantine Group alas 5:00 ng hapon mamaya at ilalabas niya ang kautusan hinggil dito habang siya ay nasa Bicol Region kung saan nagsasagawa siya ng assessment sa pinsala ng Bagyong Usman.
Ayon kay Piñol noon pang nakaraang taon na-monitor ang banta ng ASF kaya agad bumuo ng plan of action ang DA para maiwasan na maapektuhan ng nasabing sakit ang bansa.
Bago ang holiday season, inatasan umano niya si Bureau of Animal Industry (BAI) Acting Director Ronnie Domingo na tiyakin na may mailalagay na footbaths at iba pang Quarantine measures sa lahat ng entry points sa bansa dahil ang ASF disease ay nakaapekto na sa mga baboy sa walong mga bansa at kumalat na rin sa China.
Nadismaya si Piñol nang madinig ang reklamo ni agriculture advocate Rosendo So na wala siyang nakitang Quarantine Procedures sa NAIA.
At nang tawagan niya si Domingo hinggil dito, inamin ng opisyal na nabigo ang Quarantine Group sa NAIA na maglagay ng Footbath facility dahil sa isyu ng “procurement process”.
Sinabi ni Piñol na hindi katanggap-tanggap ang dahilang ito at maituturing itong administrative lapse.
“This an alibi which I will never accept as I have always believed in the Pilipino saying: “Kung gusto, maraming paraan; Kung ayaw, maraming dahilan. As Secretary of Agriculture who is in charge of the implementation of these measures, I apologize to the stakeholders of the hog industry for this administrative lapse,” ani Piñol.
Inatasan din ni Piñol ang Internal Administrative Service (IAS) ng DA na magsagawa ng imbestigasyon para malaman kung maaring makasuhan ng dereliction of duty ang mga opisyal at tauhan ng NAIA Quarantine Group.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.