Pinugutan na ng ulo ng bandidong Abu Sayyaf ang Malaysian na kanilang dinukot noong buwan ng Mayo sa Sandakan, Malaysia.
Ayon kay Joint Task Group Sulu Brig. Gen. Alan Arrojado, bumagsak umano ang negosasyon sa pagitan ng pamilya at bandidong grupo na humantong sa pagpatay sa biktimang si Bernard Ghen Ted Fen.
Ayon pa kay Arrojado, naganap ang pagpugot sa biktima sa Bud-Taran, sa bayan ng Indanan, Sulu dakong alas 4:00 ng hapon Martes ng grupo ni Idang Susukan at Alden Bagade.
Matapos ang krimen, agad umanong inilibing ang bangkay nito.
Ilang oras bago ang pamumugot, nagsagawa pa umano ng aerial bombing ang militar sa lugar ng Bud-Taran.
Agad namang ipinag-utos ng militar sa kanilang Marines at Scout Rangers ang mas pinaigting na pagtugis sa mga Abu Sayyaf na pasimuno ng pangingidnap at pagpatay sa biktima.
Noong November 9, pinalaya ng mga bandido ang negosyanteng si Thien Nyuk Fun na kasama ni Fen na puwersahang tinangay ng mga ito sa Ocean King Seafood Restaurant sa Sandakan, Malaysia noong May 15.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.