Klase sa mga pampublikong paaralan balik na ngayong araw, Enero 3
Balik-eskwela na ngayong araw ang milyun-milyong estudyante sa mga pampublikong paaralan sa bansa.
Matatandaang base sa adjusted school calendar ng Department of Education (DepEd), ang mga mag-aaral sa kindergarten, elementarya at high school ay dapat papasok na ngayong Enero 3.
Ito ay dahil pinaaga ang kanilang Christmas vacation na nagsimula noong December 15.
Una nang nakatakda ang pagbabalik ng klase kahapon, Enero 2, ngunit batay sa Memorandum Circular No.54 na inilabas ni Executive Salvador Medialdea, suspendido ang pasok sa gobyerno at mga paaralan sa naturang araw.
Ang mga pribadong eskwelahan naman ay pinayagan ng DepEd na magsagawa ng pagbabago sa kanilang school calendar basta’t maaabot ang 200 araw ng pasok sa buong taon.
Balik-opisina na rin ang mga kawani ng gobyerno ngayong araw.
Dahil dito, inaasahan nang bibigat ang daloy ng trapiko sa mga pangunahing kalsada sa bansa lalo na sa Metro Manila.
Samantala, sa January 7 pa magbabalik-eskwela ang mga mag-aaral sa Albay at Camarines Sur dahil sa epekto ng Bagyong Usman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.