Kwento ni Pangulong Duterte sa panghihipo sa isang katulong, ipinagtanggol ng Malacañang
Dumepensa ang Palasyo ng Malacañang sa naging kwento ni Pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kanyang panghihipo sa isang maid noong siya ay bata pa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, likhang-kwento lamang ito ni Duterte upang isiwalat ang sexual abuse na kanyang naranasan at kanyang mga kaklase noong siya ay nag-aaral sa sekondarya.
Giit ni Panelo, idinagdag lamang ang katawa-tawang anekdota upang ilantad ang ikinilos ng pari na pinagkumpisalan ni Duterte.
Umani ng batikos ang kwento ni Pangulong Duterte na dalawang beses niyang hinipuan ang isang tulog na maid sabay sabing hinawak-hawakan din siya ng pari na kanyang kwinentuhan tungkol dito.
Sa kanyang talumpati sa Kidapawan City, binanatan ng punong ehekutibo ang Simbahang Katolika sa umano’y mga kaso ng sexual abuse ng kaparian nito.
Samantala, binanatan naman ni Panelo ang Gabriela partylist sa naging pahayag nito laban kay Duterte.
Giit ni Panelo, sa kagustuhan ng grupo na mailagay sa alanganin si Duterte ay nawala na ang kakayahan nitong umunawa sa kung ano ang katotohanan at hindi napansin ang umano’y naging pang-aabuso ng isang pari kay Duterte at sa kanyang mga kaklase noon.
Iginiit pa ng kalihim na hindi titigil ang presidente sa kakaiba nitong uri ng pagpapahayag ng saloobin dahil ito ay kanyang political signature.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.