Pagbubukas ng mga sinehan sa malls, pinaaga dahil sa dagsa ng mga manunuod ng MMFF 2018
Pinaaga ang operating hours ng mga sinehan sa mga mall dahil sa dami ng mga manunuod ng mga pelikulang kasali sa Metro Manila Film Festival o MMFF 2018.
Sa panayam ng Banner Story ng Radyo Inquirer kay Noel Ferrer, ang tagapagsalita ng MMFF 2018, alas-nuebe pa lamang ng umaga ay nagbubukas na ang mga mall partikular sa Metro Manila dahil sa dami ng mga nag-aabang na movie goers.
Ayon kay Ferrer, kahapon o araw ng Pasko, alas-singko pa lamang ng hapon ay nabenta na ang mga pang-last full show na tickets.
At dahil sa dagsa ng mga tao, ang last full show ng mga pelikula ay inabot ng alas-tres ng madaling araw.
Sa ngayon, sinabi ni Ferrer na nangunguna sa takilya ang pelikula nina Vice Ganda, Dingdong Dantes at Richard Gutierrez na “Fantastica” at ang movie nina Coco Martin, Vic Sotto at Maine Mendoza na “Jack Em Popoy: The Puliscredibles.”
Pero ayon kay Ferrer, maaari pang mabago ito lalo na kapag naparangalan na ang mga mananalo sa MMFF Gabi ng Parangal.
“Sana evenly distributed ang kita. At kapag natapos ang awards night, normally ay nag-iiba ang ranking kasi sasabihin ng mga tao, kailangang panuorin ang nabigyan ng parangal,” pahayag ni Ferrer.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.