LOOK: Statement ng mga magulang ng estudyante ng Ateneo na na-bully sa viral video
Naglabas na ng statement ang mga magulang ng estudyante ng Ateneo Junior High School na na-bully ng kapwa niya estudyante sa isang viral video.
Sa naturang pahayag, sinabi ng mga magulang ng estudyante na maraming kumukwestyon sa kanilang pananahimik sa gitna ng galit ng mga tao ukol sa viral video kung saan mapapanuod na sinasaktan ang kanilang anak.
Ayon sa kanila, bilang mga magulang ng bata, ang pananahimik ay ang pinakamahirap na bagay na gawin. Pero nagpasya sila na gawin ito upang ma-protektahan ang kanilang menor-de-edad na anak.
Iginiit pa ng mga magulang ng estudyanteng na-bully na huwag kaawaan ang kanilang anak, at sa halip ay tingnan siya bilang isang “young man of good moral foundation.”
Huwag din anilang ituring ang bata bilang “loser” kung dapat purihin para sa kanyang “sense of dignity and justice.”
Sinabi pa nila na walang magulang ang gustong makitang masaktan ang kanilang anak, at ngayon ay na-realize nila na sinumang bata ay maaaring maging biktima ng bullying.
Ang anak anila ay tinanong ng bully na estudyante ng “Ano ang gusto mo, dignidad o bugbog?” Ang pinili ng kanilang anak ay “true sense of dignity” na ipinaglalaban nila ngayon.
Nagdesisyon umano sila na huwag nang ilantad ang pangalan ng kanilang anak, dahil hindi deserve nito na maalala bilang “bullied boy from Ateneo.”
Pero higit umano rito ang bata, na isang simple, God-fearing at nag-aaral ng mabuti, at maraming pangarap sa buhay.
Nagpapasalamat ang kanilang pamilya sa lahat ng mga nagpakita ng pagmamahal at suporta, at sa mga doktor na gumamot sa kanilang anak.
Sa bandang huli, sinabi ng pamilya para sa lahat ng mga batang na-bully at kanilang magulang na “never give up” at iparinig ang kanilang boses sa lahat.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.