Kapamilya sitcom “Home Sweetie Home” nag-sorry sa fans ng Super Junior
Humingi ng paumanhin ang sitcom ng ABS-CBN na “Home Sweetie Home” matapos maging kontrobersyal ang isa nitong episode dahil sa pahayag sa Super Junior na hindi nagustuhan ng mga fans ng K-pop boy group.
Sa episode noong Sabado, Dec. 22, sa isang eksena, binanggit na hindi na uso ang Super Junior at BTS na ang “in” na K-pop group.
Habang sinasabi ito ay nagtatawanan pa ang character nina Michelle Vito, Katrina Legaspi at Miles Ocampo.
Sa post sa kanilang Facebook page, humingi ng paumanhin ang Home Sweetie Home sa mga na-offend na fans.
Nakasaad sa FB post na inirerespeto nila ang SuJu at kinikilala ito bilang isa sa mga grupong sumikat sa KPop Revolution at hinangaan sa Pilipinas.
Ang layon umano sana ng eksena ay ang i-establish ang seniority ng grupo at aminadong dapat ay gumamit sila ng mas nararapat na termino para sa eksena.
Umani ng batikos sa Filipino fans ang nasabing eksena sa sitcom at isa sa nagpahayag ng pagkadismaya ay si Happee Sy ng Pulp Live World – ang concert promoter na nagdala sa Super Junior sa Pilipinas kamakailan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.