Rep. Batocabe, nakatanggap na ng death threats bago pa mapatay
May natatanggap nang death threats o pagbabanta sa buhay si Ako Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe, bago pa ang pananambang sa kanya sa Daraga, Albay kahapon (December 22).
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Congressman Alfredo Garbin Jr. ng Ako Bicol Partylist, na dalawa o tatlong linggo na ang nakararaan ay nabanggit na sa kanya ni Batocabe na may nagpasabi sa kanya na mag-ingat.
Pero dahil sa masiyahing tao si Batocabe, binalewala lamang ito ng kongresista.
Dagdag pa ni Garbin, walang kaaway sa pulitika at wala ring nasagasaan si Batocabe sa walong taong panunungkulan bilang kinatawan ng Ako Bicol Partylist.
Ngayon lamang aniya nagkaroon ng isyu sa pulitika si Batocabe dahil sa pagtakbong mayor sa bayan ng Daraga.
“Two or three weeks ago, may namention siya na may nagpapasabi na mag-ingat at may threats na rin regarding sa kanyang seguridad bilang pagtakbong mayor sa Daraga, Albay.”
“Rodel is such a jolly guy. Walang inisip kundi magbigay ng mabuti at tapat na serbisyo sa mga Darageños. Hindi niya inisip na mangyarari sa kanya yun. Wala siyang kaaway sa politika, walang nasagasaang tao. Ngayong tumatakbo siyang mayor, dun lang may threat,” bahagi ng panayam ng Radyo Inquirer kay Garbin.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.