AFP, iimbestigahan kung paano napunta sa mga rebeldeng grupo ang mga baril at bala ng gobyerno
Iniimbestigahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kung paano napunta ang mga baril at bala na pag-aari ng gobyerno sa hinihinalang suppliers sa mga rebeldeng grupo sa Mindanao.
Naaresto noong Linggo ang umanoy gunrunners na sina Edgardo at Rosemarie Medel matapos tanggapin ang marked money mula sa undercover agents sa operasyon sa Valenzuela City.
Ang narekober na mga armas at bala mula sa dalawa ay nagkakahalaga ng P1.2 million.
Ayon sa AFP, ang mga wooden containers ng mga baril at bala ay may label na “AFP, GOVERNMENT PROPERTY” at “PHILIPPINE ARMY.”
Na-trace ang mga ito mula sa 7th Infantry Division ng Phil. Army sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.
Ayon kay AFP public affairs chief Col. Noel Detoyato, layon ng malalimang imbentaryo ng ammunition stocks na makumpirma kung ang mga baril at bala ng militar ay napunta sa kamay ng mga suspects.
Nagsasagawa anya ang AFP ng periodic inventory at pagbibilang ng bawat baril at bala.
Pero hindi nito itinanggi ang posibilidad na ilang tao ang nakapasok sa kanilang arsenal at nakuha ang mga ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.