2 senador pinabulaanan ang alegasyong humirit sila ng pondo mula sa Road Board

By Rhommel Balasbas December 21, 2018 - 02:28 AM

Pinabulaanan nina Senators Franklin Drilon at Sonny Angara ang alegasyon ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. na humirit sila ng pondo mula sa Road Board.

Sa isang dokumento, isiniwalat ni Andaya na humiling ng alokasyon mula sa Road Board ang dalawang senador para sa ilang mga proyekto ng gobyerno.

Ang Road Board ang siyang ahensya ng pamahalaan na may tungkulin na magturo ng mga proyektong popondohan ng pera na galing sa road user’s tax o Motor Vehicle User’s Charge.

Ayon kay Drilon, bandang 2014 hanggang 2015, sa ilalim ng administrasyong Aquino ay inendorso niya ang hiling ni dating DPWH Region 6 Dir. Ed Tayao na P16 na milyong alokasyong pondo mula sa Road Board para sa pag-iilaw sa Sen Benigno Aquino Avenue na isang national road na ginagawa sa Iloilo City noong mga panahong iyon.

Giit ni Drilon, ang request ay ginawa sa Road Board dahil ang pondo para sa pag-iilaw sa mga national roads ay maaari lamang kunin sa road user’s tax at hindi sa pambansang pondo.

Sinabi pa ni Drilon na walang ginawang aksyon ang Road Board tungkol sa request; wala ring naganap na pag-iilaw sa naturang kalsada at lalong walang pondo na inilabas para rito.

Iginiit naman ni Angara na bumoto pa nga ang Senado sa abolisyon ng Road Board at anumang request para sa mga proyekto ay idinidiretso sa presidente.

TAGS:

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Cebudailynews. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.